“Powerpuff Girls,” katuwang ng DOT sa kampanya para sa ligtas na turismo vs. COVID-19
By Hajji Kaamiño - September 16, 2020 , 3:14 pm

Humingi na ng tulong ang Department of Tourism (DOT) sa kilalang cartoon characters na “Powerpuff Girls,” para ipaalala sa publiko ang mga kailangang gawin bilang paghahanda sa pagbubukas ng turismo sa Pilipinas.

Pinangunahan ng magkakapatid na sina Blossom, Bubbles at Buttercup ang kampanyang S.A.F.E. T.R.I.P., na tumatalakay sa new normal protocols kapag bumibiyahe habang ipinapakita sa video ang mga pangunahing tourist destinations sa bansa.

Ang S ay para sa Sanitize, A ay Avoid Mass Gatherings, F para sa Face Masks, E sa Electronic Payments, T ay Temperature Check, R ay Rules and Regulations, I para sa Information at P ay Physical Distancing.

Ipinaliwanag ng ahensya, na napili ang Powerpuff Girls para sa public service announcement dahil sa konsepto ng lakas ng kababaihan, na ipinabatid sa mga manonood noong dekada nobenta.

Mismong si Tourism Secretary Bernadette Romulo-Puyat, na nagsusulong ng women empowerment sa pamamagitan ng turismo ay aminadong “fan” ng animated series.

Dagdag pa ng DOT, kung nabubuhay sa realidad ang tatlong kababaihan ay kayang-kaya nitong puksain ang COVID-19 pero sa ngayon ay malaki ang maitutulong ng S.A.F.E. T.R.I.P campaign.

YOU MIGHT ALSO LIKE