PRO 4A Dir. BGen. Vicente Danao, kinonsidera ni PNP Chief Cascolan bilang bagong NCRPO Director
By Leo Sarne - September 16, 2020 , 3:26 pm

Kinokonsidera ni Philippine National Police (PNP) Chief Police General Camilo Pancratius Cascolan, na italaga bilang National Capital Region Police Office (NCRPO) Director si Police Regional Office (PRO) 4A Regional Director Police Brigadier General Vicente Danao, kapalit ni Police Major General Debold Sinas.

Ayon sa PNP Chief, parehong maganda ang naging trabaho ni BGen. Danao at MGen. Sinas, kaya karapat dapat lang na ma-promote sa mas mataas na pwesto ang mga ito.

Kinukonsidera aniya niyang bigyan ng directorial staff position si Sinas, dahil mas bagay aniya ito sa kanya.

Paliwanag ni Cascolan, sinusunod niya ang prinsipyo na “placing the right person in the right job” sa kanyang pagbibigay ng mga pwesto sa mga opisyal.

Magugunitang naging kontrobersiyal si Sinas noong May, matapos kumalat sa social media ang mga larawan ng kanyang “Mananita” sa pagdiriwang ng kanyang kaarawan.

Nagkaroon kasi dito ng mass gathering at kawalan ng social distancing, na violation sa health protocol ngayong may COVID-19.

YOU MIGHT ALSO LIKE