Reklamo ng korapsyon sa mga tanggapan ng gobyerno na natanggap ng DOJ Task Force umabot na sa mahigit isandaan
By Julius Gonzales - January 14, 2021 , 11:36 pm

Mula ng binuo ang Department of Justice (DOJ)- Task Force Against Corruption, ay umabot na sa 144 na bilang ng mga reklamo ang natatanggap nito.

Ang naturang bilang ayon kay Sec. Menardo Guevarra ay naitala nito lamang Enero 11, 2021 kung saan 60 na mula sa naturang mga reklamo ang na-evaluate na ng task force.

Kadalasan sa mga reklamo ay may kaugnayan sa mga anomalya sa mga government projects ng DPWH sa iba’t ibang rehiyon.

Kabilang dito ang umano’y talamak na koaupsyon sa 1st District ng Engineering Office ng DPWH sa Northern Samar.

Kasama rin ang reklamo ng ghost deliveries ng bigas at krudo sa Capalonga, Camarines Sur.

Reklamo naman ng iligal na paggamit ng pondo ng Bayanihan Act, at maanomalyang pagbili ng heavy equipment, ang natanggap na reklamo mula sa Cateel, Davao Oriental.

Sa ikatlong distrito ng DPWH Engineering Office sa Cagayan ay reklamo naman ng suhulan at extortion ang natanggap ng DOJ.

Sa General Santos City naman ay may maanomalyang konstruksyon ng dalawang tulay ang naiulat sa DOJ.

Iniulat din ni Sec. Menardo Guevarra na nakapag-sumite na ang task force ng progress report sa Pangulo, noon pang Disyembre 28, 2020.

YOU MIGHT ALSO LIKE