Resolusyong naghihikayat sa DND na ikonsiderang muli ang 1989 UP-DND accord, pinagtibay ng Senado
By Nimfa Mae Asuncion - January 26, 2021 , 9:19 pm

Pinagtibay na ng Senado ang resolusyong naghihikayat sa Department of National Defense (DND) na muling ikonsidera ang 1989 UP-DND accord, ang kasunduang nagbabawal sa state security forces na makapasok sa University of the Philippines campus ng walang pahintulot.

Bukod dito, nakasaad rin sa senate resolution 616 ang panghihkayat ng Senado sa DND na makipagdayalogo sa iba’t ibang academic institutions sa bansa para makahanap ng common ground sa pagtataguyod ng rule of law, kapayapaan at seguridad habang pinoprotektahan ang academic freedom sa bansa.

Ayon kay Senador Francis Pangilinan na siyang nagsusulong nitong naturang resolusyon, welcome para sa kanila ang desisyon ng DND na makipagdayalogo na sa pamunuan ng UP.

Sa naging botohan, lahat ng mga senador na physically at virtually present sa sesyon ngayong hapon ay sang-ayon sa naturang resolusyon maliban kay Senador Ronald ‘Bato’ Dela Rosa na nag-abstain sa naging botohan.

Paliwanag ni Dela Rosa, suportado niya ang pagbasura sa UP-DND accord para maprotektahan ang ating kabataan mula sa panghihikayat ng rebeldeng komunistang grupo.

YOU MIGHT ALSO LIKE