Restriksyon sa Palawan, hindi pa napapanahong mas higpitan sa kabila ng 15 turistang nagpositibo sa COVID-19
By Racquel Bayan - May 25, 2022 , 10:04 pm

Naniniwala si Infectious Diseases Expert Dr. Edcel Salvana na gumagana ang health protocols ng Palawan laban sa COVID-19.

Pahayag ito ng eksperto nang tanungin kung dapat na bang higpitan ng Palawan ang kanilang mga restriksyon, kasunod ng naitalang 15 turista na nagtungo sa lugar at nagpositibo sa virus.

Sa briefing ng Laging Handa, sinabi ni Dr. Salvana na ang mahalaga naman sa usaping ito ay ang lagay ng healthcare system sa bansa, o ng isang partikular na lugar sa bansa.

Kailangan aniya na tingnan kung mayroon bang banta sa healthcare system, o pangangailangan na magsara, dahil hindi na maalagaan ang mga pasyente.

Binigyang diin ni Dr. Salvana na dahil sa vaccination coverage ng bansa, nananatiling napakababa ng severe at hospitalized cases ng COVID patients sa Pilipinas.

Ang kailangan lamang aniyang gawin sa kasalukuyan ay iangat pa ang bilang ng mga bakunado na laban sa COVID-19.

YOU MIGHT ALSO LIKE