Sen. Dela Rosa, nagpositibo sa COVID-19
By Nimfa Mae Asuncion - November 21, 2020 , 1:50 pm

Kinumprima ni Senador Ronald ‘Bato’ dela Rosa na nagpositibo siya sa coronavirus disease (COVID-19).

Sa pamamagitan ng isang Facebook post, ibinahagi ni Dela Rosa na nakumpirma niyang positibo siya sa COVID-19 kahapon.

Kasabay nito ay inabisuhan niya ang lahat ng mga nagkaroon ng direct contact sa kanya na gawin ang mga nararapat sa health and safety protocol.

Sa ngayon, ayon sa media relations officer ng senador, ay may ubo at sipon ang mambabatas at nagpositibo rin aniya sa COVID-19 ang anak nito pero asymptomatic naman.

Sinabi naman ni Senate President Vicente Sotto III na sumailalim na sa COVID-19 test ang mga senador kagabi, negatibo na rin aniya ang resulta ng kanyang COVID-19 test.

Bago matapos ang sesyon kagabi, nabanggit na ng mga senador ang posibleng pagiging COVID-posotive ng isa nilang kasamahan.

Ayon kay Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri, ang noo’y suspected pa lamang na COVID-positive na senador ay pisikal na nagtungo sa senado nitong Miyerkules.

Ito ay sa kasagsagan ng hybrid o magkahalong online at physical deliberation ng Senado sa 2021 proposed budget.

Sa naturang mga pagdinig, dumadalo rin ng pisikal sa Senado ang mga pinuno ng mga ahensyang tinatalakay ang panukalang pondo.

Pinaalalahanan naman ni Philippine Red Cross (PRC) Chairman at Senador Richard Gordon ang kanyang mga kasama sa Senado, lalo na ang mga nagkaroon ng direct contact sa senador na nagpositibo, na ang incubation period ng virus ay limang araw.

Kaya dapat muna silang mag-isolate at obserbahan ang lagay ng kanilang kalusugan ng hanggang limang araw at sakaling makaramdam ng anumang sintomas ay agad na magpakonsulta sa kanilang mga doktor.

Si Dela Rosa na ang panglimang senador na ang nagkaroon ng COVID-19, una nang nagkaroon at gumaling mula sa COVID-19 sina Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri, Senador Sonny Angara, Senador Aquilino ‘Koko’ Pimentel, at Senador Ramon ‘Bong’ Revilla Jr.

YOU MIGHT ALSO LIKE