Sen. Gatchalian, muling isinulong ang panukalang prepaid SIM registration
By Nimfa Mae Asuncion - January 15, 2021 , 12:07 am

Matapos mabiktima ng credit card hacking, muling isinulong ni Senador Sherwin Gatchalian ang kaniyang panukalang batas na nagmamandatong magparehistro ang lahat ng gumagamit ng prepaid subscriber identity module (SIM) cards upang mapabilis ang pagtugis sa mga kawatan.

Matapos kasi ang naturang insidente ay napag-alaman ni Gatchalian na sangkatutak na pala silang biktima ng iba’t ibang uri ng modus, gaya ng online fraud, scamming o hacking gamit ang prepaid SIM cards, mula noong huling yugto ng nakaraang taon hanggang sa kasalukuyan.

Ayon sa senador, maraming netizens ang nagsumbong sa kanya na gaya niya ay na-access rin ng mga hacker ang isang security feature sa web-based services na One-Time Password (OTP) gamit ang prepaid na mobile number at oras aniyang ma-access ng mga fraudsters ang OTP na ito ay parang sila na rin ang may-ari ng bank account ng kanilang mga biktima.

Hindi na aniya bago ang ganitong mga uri ng panloloko at lalo pa itong lumala at dumami nitong nagkaroon ng pandemya at karamihan sa mga ito ay sa pamamagitan ng unregistered mobile numbers.

Kaya naman, mahalagang may mukha o pangalan ang lahat ng mga prepaid SIM card hindi lang para sa pag-iwas sa online crimes dahil magagamit rin aniya ito sa contact tracing.

Sa ilalim ng Senate Bill No. 176 o ang SIM Card Registration Act, lahat ng gumagamit ng prepaid SIM cards ay kinakailangan nang magpakita ng valid ID at larawan at pumirma ng isang control-numbered registration form na na-issue ng service provider ng nabiling SIM card.

Mabibigyan din ng kopya ng registration papers ang service provider at National Telecommunications Commission (NTC).

YOU MIGHT ALSO LIKE