!-- Global site tag (gtag.js) - Google Analytics -->
Sen. Lacson, naniniwalang kulang ang mga BuCor officials na sinuspinde ng Ombudsman
By Nimfa Mae Asuncion - September 11, 2019 , 11:05 am

Ikinatuwa ni Senador Panfilo Lacson ang mabilis na pagkilos ng Office of the Ombudsman at ang paglalabas nito ng preventive suspension sa 30 opisyal ng Bureau of Corrections (BuCor) dahil sa katiwalian sa ahensya.

Anim na buwang suspendido ang mga BuCor officials dahil sa kwestiyonableng paglaya ng higit 1,900 heinous crime convicts dahil sa Good Conduct Time Allowance (GCTA) law.

Gayunpaman, naniniwala si Lacson na kulang ang mga ito at may iba pang mga personalidad ang dapat nakasama sa suspension order.

Umaasa si Lacson na sa pag-usad ng imbestigasyon ay mas marami pa ang maaalis sa BuCor.

Giit ng senador, makakatulong ang suspensyon ng mga opisyal upang hindi nila maimpluwensyahan ang ginagawang imbestigasyon.

Gaya na lang aniya nang masibak sa pwesto si dating BuCor Chief Nicanor Faeldon ay agad namang may naglakas loob na lumabas na testigo.

Tulad aniya nito ay posibleng natatakot lang ang ilan na tumestigo kung naroon ang mga subject ng kanilang mga exposé.

Bilang miyembro ng Senate Committee on Justice at Blue Ribbon Committee, kumpiyansa si Lacson na nakamit nila ang layunin ng kanilang imbestigasyon – ito ay ang masiwalat ang mga kalokohan sa BuCor at sa loob ng New Bilibid Prison.

Ngayong Huwebes, ipagpapatuloy ng Senado ang pagdinig tungkol sa implementasyon ng Good Conduct Time Allowance (GCTA) law at ang iba pang naungkat na kalokohan sa Bilibid gaya ng ‘GCTA for sale’ at ng ‘hospital pass for sale’.

YOU MIGHT ALSO LIKE