!-- Global site tag (gtag.js) - Google Analytics -->
Sen. Pia Cayetano, bukas sa pagpapababa ng Corporate Income tax
By Nimfa Asuncion - August 21, 2019 , 8:59 pm

Bukas si Senator Pia Cayetano sa pagpapababa ng corporate income tax rates sa bansa.

Ayon kay Cayetano, aminado siyang ang mataas na tax rate sa Pilipinas ay hindi gaanong kaaya-aya para sa mga potensyal na mamumuhunan sa bansa.

Ang Committee on Ways and Means na pinamumunuan ng senator ang dumidinig ngayon sa natitirang packages ng tax reform system ng pamahalaan.

Giit ng senator, kung nais nating maging competitive ang Pilipinas at makipagsabayan sa ating mga kapitbahay sa ASEAN, dapat nating babaan ang ipinapatupad nating corporate income tax rate.

Malaki rin aniya ang nawawalang kita ng gobyerno dahil sa pagkakaiba-iba ng polisiya ng Pilipinas sa pagbibigay ng insentibo sa mga negosyo.

Kahapon ay inaprubahan na sa Kamara ang panukalang batas na Corporate Income Tax and Incentives Reform Act o CITIRA.

Layon nitong pababain ang kasalukuyang 30% corporate income tax rate ng dalawang porsyento kada isang taon, hanggang sa umabot ito ng dalawampung porsyento na lamang pagdating ng 2029.

YOU MIGHT ALSO LIKE