!-- Global site tag (gtag.js) - Google Analytics -->
Sen. Poe, bukas sa panukalang emergency power kay Pangulong Duterte
By Nimfa Asuncion - July 11, 2019 , 10:52 pm

Bukas si Senate Committee on Public Services Chair Senador Grace Poe sa panukalang magbibigay ng emergency power kay Pangulong Rodrigo Duterte para solusyunan ang problema sa traffic.

Sa isang pahayag, sinabi ni Poe na kahit anong panukalang makapagpapabuti sa serbisyo sa publiko ay dapat bigyang prayoridad.

Gayunpaman, nakadepende aniya sa maraming bagay ang pagkakaapruba nito.

Kabilang na diyan ang kooperasyon mula sa dalawang kapulungan ng Kongreso, pagiging klaro ng layunin nito at pagsunod ng mga ahensya ng gobyerno sa mga kailangang dokumento.

Pinaalala rin ni Poe sa Department of Transportation (DOTr) na sundin ang hihihingin ng mga senador gaya ng listahan ng mga proyekto at management plan para maibsan ang epekto ng mga ikakasang infrastructure projects.

Ito aniya ang naging dahilan kaya’t hindi nakapasa ang parehong panukala noong nakaraang kongreso.

Sinabi pa ng senadora na kakailanganin rin ang suporta ng Pangulo para malusot ang panukalang batas.

Kung maaari aniya ay sertipikahan itong urgent ng Pangulo.

Giit ni Poe, lahat naman ay gusto ng solusyon sa traffic pero kailangang maging malinaw ang saklaw ng ibibigay na emergency power para hindi mauwi sa korapsyon.  | ulat ni Nimfa Asuncion

YOU MIGHT ALSO LIKE