Sen. Poe, sinagot ang pahayag ng DOTr patungkol sa operasyon ng mga PMVIC
By Nimfa Mae Asuncion - February 26, 2021 , 7:07 pm

Sinagot ni senadora grace poe ang pahayag ng Department of Transportation (DOTr) na itinatangging walang pormal na kautusan na inilabas ang ahensya patungkol sa pagpapatigil ng operasyon ng mga private motor vehicle inspection centers (PMVICs).

Una na kasing sinabi ng ahensya na noong Pebrero 11 ay naglabas na sila ng memorandum order sa lahat ng mga opisyal at tauhan ng Land Transportation Office (LTO) na hindi na mandatory ang pagpapasuri ng mga sasakyan sa mga PMVIC.

Ayon kay Poe, na chairperson ng Senate committee on public services, bagamat kinikilala niya ang naging paglilinaw ng DOTr, ang paglalabas ng unnumbered memo at pag-upload nito sa LTO website, dalawang araw lamang ang nakararaan ay hindi ang formal notice na karaniwang natatanggap ng isang Senate committee lalo na tungkol sa isang isyu na naging paksa ng isang malaking public hearing.

Paliwanag pa ng senadora, inihain at naisapubliko ang Committee report 184 ng kanyang komite noong Pebrero 16 at naisponsor ito sa plenaryo noong Pebrero 24.

Sa walong araw aniyang lumipas ay hindi na-notify ng concerned agencies ang Senate panel na naaksyunan na nila ang alinman sa mga rekomendasyon bilang tanda ng good faith.

Dagdag pa ng mambabatas, ang paglalabas ng isang internal memorandum para sa mga LTO regional directors at employees ay hindi ang aksyong karapat-dapat na matanggap ng publikong naperwisyo ng naturang sistema.

Dapat aniya ay isang administrative order ang inilabas ng ahensya.

Ipinunto pa ni Poe na hindi lang ito ang isyu sa inilabas nilang Committee report na dapat na tugunan ng DOTr.

Sa huli, umaasa aniya ang Senate public services committee na tuluyan nang irerepeal o ipapawalang bisa ng ahensya ang Department order 2018-019 at iba pang kaugnay nitong issuances. Gaya aniya ng nakasaad sa report ng komite, bagama’t binabaan na ang fees sa ngayon at ginawang optional na lamang ang testing sa PMVICs, marami pa ring problema sa pagpapatupad ng sistema kaya dapat na itong tuluyang itigil.

YOU MIGHT ALSO LIKE