Sen. Zubiri, tiniyak na nasunod ang lahat ng rules at requirements sa pag-canvass ng mga boto sa pagka-presidente at bise presidente
By Nimfa Mae Asuncion - May 25, 2022 , 9:47 pm

Iginiit ni Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri na nasunod ang lahat ng rules, requirements at procedures sa pagca-canvass ng mga boto para sa pagka-presidente at bise presidente nitong nakalipas na halalan.

Pagbibida ni Zubiri, ito na marahil ang pinakamabilis na pagca-canvass ng mga boto sa kasaysayan ng bansa dahil nagawa lamang nila ito sa loob ng dalawang araw.

Sa kabila ng pagiging mabilis ng canvassing ay hindi naman aniya naisakripisyo ang accuracy at transparency ng buong proseso.

Isa sa mga nagpadali aniya ng proseso ay ang hindi na paghahain ng objection ng iba pang mga kandidato sa pagka-presidente at bise presidente.

Ayon sa senador, kung bawat COC kasi ay tinutulan ng ibang kandidato ay mas mapapahaba pa ang proseso.

Ipinaliwanag rin ni Zubiri na kahit hinihintay pang dumating ang mga COC mula sa foreign service post ng Buenos Aires (kabilang ang boto sa Argentina, Bolivia, Paraguay) at Damascus, Syria ay hindi na makakaapekto ang bilang ng mga boto dito sa resulta ng mga nanalo.

Tinataya kasing nasa 515 na boto lang ang kabuuan ng mga ito.

YOU MIGHT ALSO LIKE