Senado, posibleng magsagawa ng executive session para malaman ang halaga ng bibilhing mga bakuna ng gobyerno
By Nimfa Mae Asuncion - January 15, 2021 , 12:14 am

Sinabi ni Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri na posibleng magpatawag sila ng executive session sa pagpapatuloy ng pagdinig ng senate committee of the whole patungkol sa COVID-19 vaccination plan ng gobyerno.

Ayon kay Zubiri, balak kasi niyang itanong ang presyo ng iba’t ibang COVID-19 vaccines na bibilhin ng gobyerno mula sa ibang mga bansa.

Paliwanag ng senador, posibleng kailanganin ng executive session para hindi malabag ng ating mga opisyal ang non-disclosure agreement nila sa mga manufacturing companies ng mga bakuna.

Giit ng senador, kailangan ng transparency sa pagbili ng bakuna dahil pera ng bayan ang gamit dito.

Dagdag pa dito ang maraming kunukwestiyon sa pagbili ng gobyerno sa Sinovac vaccine na anila’y mas mahal at mababa pa ang efficacy rate kumpara sa ibang mga available na bakuna.

Gayunpaman, una nang sinabi ni Vaccine Czar Carlito Galvez Jr. na mas murang inaalok ng sinovac ang kanilang bakuna sa Pilipinas.

YOU MIGHT ALSO LIKE