Taguig City gov’t, tiniyak na pananagutin ang lahat ng quarantine violators
By Hajji KaamiƱo - September 16, 2020 , 2:52 pm

Nagbabala ang Lokal na Pamahalaan ng Taguig laban sa mga mahuhuling lalabag sa health at safety protocols, na inilatag para sa COVID-19 response sa lungsod.

Kasunod ito ng pagkakaaresto ng mga miyembro ng Joint Task Force COVID-19 Shield, sa pangunguna ni Lieutenant General Guillermo Eleazar at ng Taguig City Police sa 16 na indibidwal na nag-party at nag-iinuman sa Barangay Lower Bicutan.

Ayon kay Mayor Lino Cayetano, bagamat isa ang Taguig sa mga lungsod sa Metro Manila na may pinakamababang active cases ng COVID-19 at karaniwang disiplinado ang mamamayan, ay sadyang hindi maiiwasan ang mga hamon sa implementasyon.

Dahil dito, ay nag-deploy ang lokal na pamahalaan ng isanlibong tauhan ng Tapang Malasakit Disiplina Team na tutulong sa Philippine National Police, na ipatupad ang new normal ordinance na naglalayong pigilan ang pagkalat ng virus.

Iginiit ni Cayetano, na ang komprehensibong approach ng city government ay nakasentro sa edukasyon at malasakit, ngunit hindi sila magdadalawang-isip na panagutin ang mga indibidwal at establisyimento na walang kooperasyon.

Nasampahan na aniya ng kaso ang 16 na indibidwal dahil sa paglabag sa Article 151 ng Revised Penal Code at City Ordinance Number 27-89, na nagbabawal sa pag-inom ng alak sa pampublikong lugar.

Mababatid na naaresto ang mga naturang indibidwal dahil sa tip na ipinarating sa JTF COVID-19 Shield sa pamamagitan ng social media.

YOU MIGHT ALSO LIKE