Taguig City, naka-focus na sa new normal matapos mapahupa ang COVID-19 cases
By Hajji Kaamiño - October 16, 2020 , 8:47 pm

Inihayag ng Lokal na Pamahalaan ng Taguig na nakatuon na ang atensyon nito sa paghahanda para sa “new normal,” matapos ang naiulat na pinakamababang active cases ng coronavirus disease (COVID-19) sa Metro Manila.

Ayon kay Taguig City Mayor Lino Cayetano, 19 na active cases kada isandaang libong populasyon na lamang ang kanilang naitatala, na nagpapakitang nakontrol na ang transmission ng COVID-19 sa lungsod.

Naniniwala aniya ang city government, na kailangang mag-focus na sa implementasyon ng health protocols sa commercial areas at mga opisina, upang maging responsable sa muling pagbubukas.

Bukod sa Taguig, kabilang din sa mga lungsod sa National Capital Region (NCR) na may pinakamababang active cases, ay ang Muntinlupa, Parañaque, Caloocan, at Las Piñas.

Ang average active cases naman sa buong Metro Manila ay 68 sa bawat isandaang libong populasyon.

Naging posible umano ang development na ito sa ginawang Prevent, Detect, Isolate, Treat and Reintegrate (PDITR) strategy, pati na ang pagtatayo ng mga imprastraktura gaya ng mega quarantine facility sa Barangay Lower Bicutan.

Sa kabila nito, umapela ang pamahalaang lokal sa publiko, na manatiling mapagmatyag at huwag maging kampante habang patuloy na titiyakin ang pagpapatupad ng interventions laban sa virus.

YOU MIGHT ALSO LIKE