Tatlong suspek na nahaharap sa kasong swindling at estafa, iniharap ng NBI sa publiko
By Julius Gonzales - January 14, 2020 , 8:39 pm

Iniharap ng NBI sa publiko ang tatlong suspek na nakatakdang kasuhan ng swindling at estafa.

Ang mga suspek ay kinilala na sina Enriquito T. Dizon, Lourdes V. Bonifacio at John Alvin B. Liguangco.

Ang modus ng mga suspek ay magpapakilalang may contact o kakilala sila sa National Housing Authority o NHA na tutulong para ma-facilitate ang kanilang transaksyon.

Papangakuan ng mga suspek ang kanilang biktima na mga contractor na makakuha ng kontrata na pabahay sa NHA.

Kapag nakuha na ang tiwala ng kanilang target ay hihingan nila ito ng P3-M paunang bayad upang masigurong mapupunta sa kanila ang kontrata.

Upang makasiguro naman ang mga complainants ay sumangguni ang mga ito sa National Bureau of Investigation o NBI at nadiskubreng peke ang mga hawak nitong dokumento.

Sa ginanap na entrapment operation ng NBI-Anti-Organized and Transnational Crimes Division na pinangunahan ni Atty. Joel Tuvera ay nahuli ang mga suspek at nakumpiska ang ilang dokumento kaugnay sa housing projects ng NHA.

Ang tatlong suspek ay sasampahan ng kasong swindling at estafa o paglabag sa Article No. 315 ng revised penal code, gayundin ang dalawa pang suspek na kinilalang sina Adel Gerona at isang Alias Henry.

YOU MIGHT ALSO LIKE