!-- Global site tag (gtag.js) - Google Analytics -->
Ulat na may kaso na ng COVID-19 sa loob ng Taguig City Jail Female Dorm, di totoo
By Rey Ferrer - March 26, 2020 , 7:07 am

Pinasinungalingan ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) ang ulat na may kaso ng COVID-19 sa Taguig City Jail Female Dormitory.

Ayon kay BJMP Jail Chief Inspector Xavier Solda, mali at walang katotohanan ang ikinakalat na impormasyon ng isang grupo na nagpapakilalang KAPATID o Families and Friends of Political Prisoners.

Naglabas kasi ng ulat ang grupo base sa pahayag ng isang empleyado ng pasilidad sa Camp Bagong Diwa na ilang preso ang dinala sa hospital dahil sa COVID-19.

Kayat pilit nilang iginigiit sa pamunuan ng BJMP na palayain ang anim na political prisoners sa pangambang mahawaan ng sakit.

Una nang tiniyak noon ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año na mas ligtas ang mga preso o persons deprived with liberty sa loob ng mga bilangguan kumpara sa mga taong nasa labas ng pasilidad.

Dagdag pa ni Solda na may mga doktor at nurses ang kanilang mga pasilidad sa buong bansa na nagmo-monitor sa kondisyon ng mga PDL sa loob ng 24-oras.

Bukod sa pagsuspende sa mga dalaw ng pamilya mahigpit ding ipinatutupad ang mga precautionary measures sa loob ng mga jail facilities para maiwasan ang nakakahawang COVID-19.

YOU MIGHT ALSO LIKE