8 suspek sa pagpatay sa Koreanong negosyante, arestado
By Leo Sarne - February 23, 2021 , 5:09 pm

Naaresto ng Philippine National Police (PNP) ang walong suspek sa pagpatay noong February 13, sa Valenzuela City sa Koreanong negosyanteng si Nam Sunuk.

Kinilala ni PNP Chief Police General Debold Sinas ang mga arestadong suspek na sina: Kimberly Radores, Rica Estrella, Rusty Hernadez Cruz, Josephine Pidlaoan Nape, Leana Marie Nagaño alyas “Yana,” Bryan Saga Gulfo, Bryan Remlona Escamillas, at isang pulis na si Police Corporal Darwin Garcia Castillo.

Ayon kay Sinas, unang dinetalye ni Radores, Estrella at Castillo, ang kanilang nalalaman tungkol sa krimen sa isang extra-judicial confession na ginawa sa presenya ng kanilang mga abugado.

Base sa imbestigasyon ng Special Investigation Task Group (SITG) Nam Sunuk, sina Gulfo at Escamillas ang “hitmen” na bumaril at pumatay sa biktima, habang nakasakay ito sa isang Hyundai Tucson SUV noong gabi ng February 13, 2021, sa kahabaan ng Padrigal Extension, Maysan, Valenzuela City, habang nakasunod sa back-up car si Castillo.

Na-recover ng mga imbestigador ang .45 Cal pistol at Honda Civic na ginamit umano sa krimen.

Ang ibang mga suspek ay nagsilbi umanong “facilitator” sa paghahanap ng mga “hitmen.”

Ang walong suspek ay iniharap sa state prosecutors ngayong araw na ito para sampahan ng kasong “Murder.”

YOU MIGHT ALSO LIKE