Buwayang kumakain ng bata, gumagala sa Balabac, Palawan 
By Leo Sarne - August 14, 2019 , 4:46 pm

Pagala-gala ngayon sa Balabac, Palawan ang isang malaking buwaya na kumakain ng bata.

Sa report ng Balabac Municipal Station na nakarating sa Camp Crame, nagsumbong noong Lunes ng umaga si Robinsio Suraping na ang kanyang 10-taong gulang na anak na si Milhasan Baracbac Suraping, estudyante ng Paliisan Elementary School, ay nawawala matapos atakihin at tangayin ng isang buwaya.

Kasama umano ng biktima ang kanyang dalawang kapatid sa isang bangka na patungo sa tindahan sa Sitio Tagpanasan, Brgy. Salang, Balabac, nang mangyari ang insidente bandang alas-6:00 ng gabi noong Linggo.

Sinikap umanong hanapin ng ama ang kanyang nawawalang anak, sa tulong ng mga kapitbahay hanggang ala-1:00 ng madaling araw ng Lunes, pero, hindi nila ito natagpuan.

Noong Lunes ng gabi, iniulat ng ama ng biktima sa Balabac Municipal Police Station na natagpuan ng isang mangingisda na nagngangalang Ajalong Amalong ang ulo at kanang paa ng batang biktima sa mangrove area ng Sitio Tagpanasan, Barangay Salang, Balabac.

Narekober na umano ng ama ang mga labi ng kanyang anak at nailibing na.

YOU MIGHT ALSO LIKE