Ex-CPP Chair Salas alyas Kumander Bilog, naaresto
By Leo Sarne - February 18, 2020 , 12:29 pm

Naaresto ng mga operatiba ng Philippine National Police (PNP) Police Regional Office 3 (PRO3) ang dating Chairperson ang Communist Party of the Philippines (CPP) na si Rodolfo Salas alyas Kumander Bilog.

Sa report na nakarating sa Camp Crame, si Salas, 72 taong gulang, ay naaresto kaninang 5:50 AM, sa Doña Carmen St., Mountainview, Balibago, Angeles City, Pampanga.

Ayon sa PRO 3, mapayapa namang sumama si Salas matapos ihain sa kanya ang dalawang warrant of arrest para sa kabuuang 29 na kasong murder, na inisyu ni Hon. Thelma Bunyi-Medina, Presiding Judge, RTC Branch 32, Manila, NCR noong August 28, 2019.

Ang warrant ay inihain sa presensya ng mga Barangay official at live in partner ng suspek, na kinilalang si Jhoana Panicbatan Lamigo.

Narekober sa suspek ang isang 45 cal. Para-Ordnance pistol, 174 piraso ng samu’t saring bala at 2 .45 Cal. magazine assembly.

Kasalukuyang nakaditine ang suspek, habang inihahanda ang panibagong kaso ng paglabag sa RA 10591 o illegal possesion of firearms and ammunition laban sa kanya.

YOU MIGHT ALSO LIKE