Lady guard na tumulong sa nasalanta noong bagyong Ulysses, pinarangalan sa Camp Crame
By Leo Sarne - February 23, 2021 , 1:37 pm

Pinarangalan ng Philippine National Police (PNP) Civil Security Group (CSG) ang isang lady guard na nagpamalas ng pagmamalasakit sa kanyang pinaglilingkuran noong kasagsagan ng bagyong Ulysses.

Ayon kay CSG Director Maj. Gen. Rolando Hinanay, si Lady Guard Joan Salvador ng Red Planet Security Agency ay responsable sa pagkakasalba ng tatlong milyong pisong halaga ng importanteng kagamitan ng kanyang pinaglilingkurang tanggapan ng Philippine Postal Corporation sa Marikina.

Matapos tanggapin ang parangal ngayong umaga sa Camp Crame, isinalaysay ni Salvador kung paano niya niligtas ang mga mahahalagang gamit ng PhilPost noong kasagsagan ng bagyong Ulysses, habang tumataas ang tubig baha sa Marikina Sports Center, kung saan naroon ang kanilang tanggapan.

Mag-isa lang aniya niyang iniakyat sa ikatlong palapag mula sa unang palapag ang mga sako ng sulat at mga electronic postal meter machines at weighing scales na tumitimbang ng 50 hanggang 70 kilo, upang maisalba ang mga ito mula sa baha.

Inamin ni Salvador na natatakot siya para sa kanyang buhay habang patuloy ang pagtaas ng tubig baha. Pero hindi aniya siya pinanghinaan ng loob na i-secure ang mga kagamitan sa kanyang binabantayan.

Dahil sa kanyang ipinamalas na dedikasyon sa trabaho, tinanggap ni Salvador mula sa CSG ang “Medalya ng Pagtulong sa Nasalanta.”

YOU MIGHT ALSO LIKE