!-- Global site tag (gtag.js) - Google Analytics -->
Magkasunod na pagsabog sa Patikul, Sulu kahapon, isinisi ng militar sa ASG  
By Leo Sarne - August 14, 2019 , 7:42 am

Itinuro ng Western Mindanao Command (WestMinCom) ang Abu Sayyaf group bilang responsable sa naganap na magkasunod na pagsabog kahapon sa Sitio Lungan Gitong, Brgy. Igasan, Patikul, Sulu.

Ayon kay WestMinCom Spokesperson Major Arvin Encinas, batay ito sa mga narekober na piraso ng ginamit na improvised explosive device sa blast site.

Mistula aniyang itinaon ng ASG ang pagpapasabog sa huling araw ng pagdiriwang ng Eid’l Adha ng mga Muslim.

Alas-7:34 kahapon ng umaga naganap ang unang pagsabog ng IED na sinundan ng ikalawang pagsabog bandang alas-8:30, may 10 metro ang layo sa unang pagsabog, kung saan sugatan ang isang sundalo.

Ayon kay Encinas, patuloy na inoobserbahan sa pagamutan ang sugatang sundalo na si Cpl. Rene Mediana ng 43rd K9 Platoon ng Philippine Army na nagtamo ng tama ng shrapnels sa ibabang bahagi ng kaniyang katawan.

Nagpapatuloy pa sa ngayon ang imbestigasyon upang madetermina ang ginamit na triggering device sa kambal na pagpapasabog.

YOU MIGHT ALSO LIKE