!-- Global site tag (gtag.js) - Google Analytics -->
Makati PNP, itinangging nagpatupad ng “Oplan: X-Men”
By Hajji Kaamiño - February 18, 2020 , 10:01 am

Sinibak na sa puwesto ang dalawang pulis na sangkot sa viral video sa Makati City, kung saan naimbitahang sumama sa presinto ang isang transgender para sa profiling.

Bahagi ito ng umano ay “Oplan: X-Men,” na naglalayong sagipin ang mga transgender na sinasabing biktima ng exploitation at human trafficking, partikular sa red light district ng lungsod sa Barangay Poblacion.

Sa pakikipagpulong ng Makati Philippine National Police (PNP) sa biktimang si Anne Pelos, bukod sa pagkakatanggal sa puwesto nina Patrolman Timmy Paez at Police Corporal Juliel Atal, ay sasailalim rin ang mga ito sa gender awareness and development seminar.

Ayon kay Makati City Police Chief Colonel Rogelio Simon, pangangasiwaan ng LGBT community ang seminars sa mga bagong talagang personnel, at makikipagtulungan rin sila para resolbahin ang isyu.

Itinanggi rin ni Simon na mayroong ipinatutupad na “Oplan: X-Men” ang Makati PNP, at kaugnay nito ay maglalabas ng opisyal na statement ang Station Community Affairs and Development Division.

Mababatid na umani ng pambabatikos mula sa LGBT community at sa Commission on Human Rights (CHR) ang naturang video, na nangyari noong February 14, dahil maaari umano itong pagmulan ng warrantless arrests at maituturing na diskriminasyon sa kanilang hanay.

YOU MIGHT ALSO LIKE