Malacañan, umaapela sa pamahalaan ng US ng mabilis na imbestigasyon at hustisya sa pagkasawi ng isang Pinay nurse sa New York City
By Racquel Bayan - October 11, 2021 , 11:49 pm

Umaapela ang Malacañan sa gobyerno ng Estados Unidos na imbestigahan at papanagutin ang maysala sa pagkasawi ng isang Filipino nurse sa Time Square, New York City.

Matatandaang Biyernes nang hapon, naglalakad sa Time Square ang Filipino nurse na si Maria Ambrocio, 58 taong gulang. Tinulak ito ng 26-year old snatcher na tumatakbo noon palayo sa mga pulis, matapos manghablot ng cellphone ng iba pang biktima.

Nagtamo ng traumatic brain injury si Ambrocio, at nasawi matapos alisin ang kaniyang life support noong Sabado.

Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, lahat ng biktima ng mga paglabag sa karapatang mabuhay, ay entitled para sa isang mabilis na imbestigasyon.

Dahil dito, nananawagan ang Palasyo sa US Government na gawin ang nararapat na hakbang o responsibilidad ng lahat ng Estado na mayroong mga kaso ng pagpatay, at upang mapapanagot ang may sala.

Ang suspect na si Jermaine Foster ay hawak na ngayon ng mga otoridad at nahaharap sa kasong robbey at murder.

YOU MIGHT ALSO LIKE