Misencounter sa operasyon ng PDEA at PNP, sanhi ng kakulangan ng koordinasyon
By Nimfa Mae Asuncion - February 26, 2021 , 7:32 pm

Sa pananaw ni Senate committee on public order and dangerous drugs chairman Senador Ronald ‘Bato’ dela Rosa, kakulangan ng koordinasyon ang naging sanhi ng misencounter na naganap sa pagitan ng mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at ng Philippine National Police (PNP) nitong Miyerkules ng gabi.

Ayon kay dela Rosa, na dating PNP chief, kung nagkaroon man ng tamang koordinasyon sa pagitan ng dalawang kampo ay may kapabayaan naman sa maayos na paglalahad ng impormasyon sa mga operating units.

Sa Martes, Marso 2, itinakda ng Senate committee on public order and dangerous drugs ang Senate inquiry tungkol sa naturang insidente.

Umaasa ang senador na sa pamamagitan nito ay mailalahad ang katotohanan at mabibigyan ng pagkakataon ang lahat ng partidong sangkot na ipaliwanag ang kanilang panig.

Layunin rin aniya ng ikakasa nilang pagdinig na matukoy kung mayroon bang mga batas na may kaugnayan sa ating mga law enforcement authorities na kailangang amyendahan. 

YOU MIGHT ALSO LIKE