!-- Global site tag (gtag.js) - Google Analytics -->
MMDA enforcer na nag-viral dahil sa pagdala ng may sakit na bata sa ospital, gagawing regular employee
By Hajji Kaamiño - January 22, 2020 , 8:30 am

Gagawaran ng permanent position sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang nag-viral na traffic enforcer sa social media matapos tumulong na dalhin sa ospital ang isang batang may sakit sa kasagsagan ng mabigat na trapiko.

Ayon kay MMDA Chairperson Danilo Lim, tunay na kahanga-hanga ang ipinamalas na kabayanihan ni Traffic Enforcer 3 Jeremi Jorge Lukban dahil patunay ito ng kanyang dedikasyon sa serbisyo publiko.

Bibigyan ng certificate of commendation si Lukban sa flag raising ceremony ng ahensya sa Lunes, January 27, at mula sa pagiging job order ay gagawin nang regular employee.

Sa kuwento ng nag-post sa Facebook na si Mit Javellana, masikip ang trapiko sa Alabang-Zapote Road nitong weekend nang dalhin niya sa emergency room ang anak na may lagnat.

Napansin aniya ni Lukban na nagmamadali sila kaya lumapit na ito para alamin ang problema, at dito ay boluntaryo siyang tumulong na kargahin ang bata patungo sa pinakamalapit na ospital.

Umani ang social media post ni Javellana ng 40,000 reactions at 8,700 shares dahil sa ipinakitang malasakit ng traffic enforcer.

YOU MIGHT ALSO LIKE