!-- Global site tag (gtag.js) - Google Analytics -->
Pag-aresto sa nagkalat ng fake news sa COVID-19, leksyon sa netizens
By Leo Sarne - February 18, 2020 , 5:46 am

Muling nanawagan si Philippine National Police (PNP) Chief Police General Archie Francisco Gamboa sa mga netizen na iwasang mag-post ng maling impormasyon sa social media na nakakalikha ng pangamba at kaguluhan.

Ang babala ng PNP chief ay matapos arestohin ng PNP-Anti-Cybercrime Group ang isang optometrist sa Cebu dahil sa pagkakalat ng maling impormasyon o “fake news” sa social media kaugnay ng Corona Virus Disease-19 o COVID 19.

Kinilala ng PNP Anti-Cybercrime Group ang kinasuhan na si Josephil Brian Consuelo na kilala sa alyas CJ Brian Consuelo, isang Optometrist sa Mandaue City, Cebu na naaresto noong Pebrero a-Trese

Lumabas sa imbestigasyon ng Pulisya na si Consuelo ang nasa likod ng FACEBOOK post na nagsasabing may isang pasyente umano na apektado ng COVID-19 ang namatay sa University of Cebu Medical Center

Nagsagawa ng fact-checking ang Anti-Cybercrime Unit ng Police Regional Office 7 sa post ni Consuelo na pinasinungalingan ng Human Resource at Legal Officer ng nasabing Ospital.

Ayon kay PNP-ACG Director Police Brig. Gen. Dennis Agustin, ilan sa mga ipinagharap na kaso kay Consuelo ay paglabag sa Art. 154 ng Revised Penal Code o ONLINE Libel sa ilalim naman ng Republic Act 10175 o Cybercrime Prevention Act of 2012

Sa ilalim ng nasabing batas, pagmumultahin ang sinumang lumabag ng ₱40,000 hanggang ₱200,000 o di kaya’y pagkakabilanggo ng apat hanggang walong taon sa bawat paglabag.

YOU MIGHT ALSO LIKE