!-- Global site tag (gtag.js) - Google Analytics -->
Pangulo, may kamay sa pagtalaga kay Maj. Espenido sa Bacolod City 
By Alvin Baltazar - October 10, 2019 , 3:43 pm

May basbas at go signal mula mismo kay Pangulong Rodrigo Duterte ang pagkakatalaga kay Police Major Jovie Espenido sa Bacolod City.

Ito ang kinumpirma ni Chief Presidential Legal Counsel at Spokesperson Salvador Panelo sa gitna ng bagong assignment ng kontrobersiyal na police official dahil sa pagkakalagas ng mga umano’y drug lord sa mga lugar na dati nitong napuntahan.

Kwento ni Panelo, nabanggit niya sa Presidente ang tungkol sa aniya’y talamak na presensiya ng iligal na droga sa Bacolod.

Tugon ng chief executive, ito nga ang dahilan kung bakit niya ipinadala doon si Espenido na kilalang may reputasyon na kinatatakutan ng mga drug lord.

Si Espenido ang isa sa mga namuno sa anti-illegal drug operation na ikinasawi ni Mayor Reynaldo Parojinog, asawa nito at 13 iba pa noong July 2017.

Si Espenido rin ang hepe ng Albuera, Leyte, nang nabaril at napatay si dating Mayor Rolando Espinosa, Sr., matapos umanong makipagpalitan ng putok sa mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) na naghain ng search warrant sa loob ng kulungan noong November 2016.

Oktubre 15 inaasahang magreport sa Police Regional Office-Western Visayas ang dating hepe ng Ozamiz City.

YOU MIGHT ALSO LIKE