PNP-HPG, inaksiyunan ang nag-viral na “COVID-19 smuggling” video
By Leo Sarne - April 8, 2021 , 6:45 pm

Pinalakas ng Philippine National Police -Highway Patrol Group (PNP-HPG) ang kanilang mga operasyon, sa mga colorum na sasakyan na naghahatid ng mga pasahero, mula sa mga lugar na nasa ilalim ng enhanced community quarantine (ECQ) patungo sa mga lugar na mas mababa ang quarantine classification.

Ito ay matapos na mag-viral nitong Sabado ang video, kung saan lumutang ang terminong “Covid-19 smuggling.”

Tampok sa video ang mga pasahero na nakatago sa isang truck na lumilipat sa mga van, patungo sa iba’t ibang destinasyon sa bahagi ng Maharlika Highway, Del Gallego, Camarines Sur.

Iniulat ni PNP-HPG Director Police Brigadier General Alexander Tagum, na sa dalawang araw na anti-colorum operation, naharang nila ang 24 na sasakyan na naghahatid ng mga unauthorized persons outside residence o UPOR mula sa mga lugar na nasa ECQ .

Nasa 13 mga sasakyan ang naharang noong April 4 papuntang Bicol Region mula sa Metro Manila; Habang 11 naman noong April 5 na mga commuter van sakay ang mga pasahero papunta sa iba’t ibang destinasyon.

Tiniyak naman ni Tagum, na hihigpitan ng HPG ang pagbabantay sa mga checkpoint upang mapigilan ang naturang ilegal na aktibidad.

YOU MIGHT ALSO LIKE