Pulis na bumaril at nakapatay sa binatilyong may kapansanan sa Valenzuela, sinibak sa serbisyo
By Leo Sarne - October 12, 2021 , 3:09 pm

Inaprubahan ni Philippine National Police (PNP) Chief Police General Guillermo Eleazar, ang dismissal order ng pulis na bumaril at nakapatay sa binatilyong may kapansanan sa isang police operation noong Mayo sa Valenzuela.

Ayon kay Eleazar, ang pagsibak sa serbisyo ni Police Staff Master Sergeant Christopher Salcedo ay alinsunod sa rekomendasyon ng PNP Internal Affairs Service, na ni-review ng Discipline, Law and Order Division-Directorate for Personnel and Records Management (DLOD-DPRM), at Office of the Chief PNP.

Si Salcedo ay napatunayang nagkasala ng grave misconduct and less grave irregularity in the performance of duty sa pagkamatay ng 18 taong gulang na si Erwin Arnigo, habang nagsasagawa ng isang anti gambling operation sa Valenzuela noong Mayo 28.

Ayon kay Eleazar, nagkaroon ng paglabag sa police operational procedures at hindi dapat inaresto si Arnigo, dahil bilang isang indibidwal na may autism spectrum disorder, imposibleng kusang-loob itong nakilahok sa tupada.

Samantala, inaprubahan naman ni Eleazar ang pagbasura sa administratibong kasong grave neglect of duty at less grave neglect of duty, laban sa apat na iba pang Valenzuela City police personnel na kasama sa operation.

YOU MIGHT ALSO LIKE