Sen. De Lima, muling nadiin na tumanggap ng pera mula sa illegal drug trade sa Bilibid
By Hajji Kaamiño - February 23, 2021 , 10:49 pm

Pinanindigan ng prosecution witness na si Joel Capones na tumanggap ng P1.4 million si dating Justice Secretary at ngayo’y Senadora Leila De Lima mula sa convicted druglord na si Jaybee Sebastian.

Sa pagpapatuloy ng pagdinig ng Muntinlupa Regional Trial Court Branch 256 sa Criminal Case Number 17-167 ngayong araw, kinumpirma ni Capones na nakita umano niya si De Lima na pumasok sa silid ni Sebastian noong March 5, 2014 at narinig na iniabot ang pera.

Ang pagtanggap ng pera na kinita mula sa illegal drug trade ay kasabay ng selebrasyon ng anibersaryo ng Commando Sigue-Sigue Gang.

Tumagal nang halos dalawang oras ang cross-examination kay Capones kabilang ang abogado ni De Lima na si Atty. Boni Tacardon pero itutuloy muli ito sa April 16 dahil may bagong impormasyon na lumabas sa affidavit nito.

Sinabi ni Chief Prosecutor Sonny Ocampo na kumpiyansa silang malakas ang ebidensya laban sa mambabatas at ginagawa nila ang lahat ng hakbang sa kabila ng pagkakabasura ng isa sa tatlong drug charges.

Ang kampo naman ni De Lima ay naghain ng mosyon sa korte para maisama sa mga akusado si Capones dahil inamin nito na sangkot siya sa bentahan ng ilegal na droga sa Bilibid.

Nagkaroon din umano ng ‘selective memory’ si Capones dahil hindi na nito matandaan ang mga kritikal na detalye nang i-cross-exam ng defense panel.

Sa maikling mensahe ni De Lima ay umaasa itong magkakaroon ng “freedom” at “vindication” ngayong apat na taon na ang nakakalipas mula nang makulong siya sa PNP Custodial Center.

YOU MIGHT ALSO LIKE