Sen. Poe, nanawagan sa BSP na tulungan ang mga biktima ng online bank fraud
By Nimfa Mae Asuncion - April 6, 2021 , 8:35 pm

Hinimok ni Senadora Grace Poe ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na itaguyod ang karapatan ng mga konsyumer at gamitin ang kanilang impluwensiya sa mga bangko para matiyak na maibalik ang pera ng mga naging biktima ng panloloko o fraud.

Sinabi ito ng senadora na chairperson ng Senate committee on banks matapos mapag-alaman na ilang grupo na ang binuo sa social media para sa mga biktima ng online bank fraud.

Isang grupo aniya ang nagtipon ng mga datos hinggil sa halaga ng nawala sa kanilang pera at lumalabas na umabot sa P7.5 million ang nakuha sa nasa 150 biktima.

Giit ni Poe, kung masolusyunan ang mga hinaing ng mga konsumer at matutulungan silang maibalik ang pinaghirapan nilang pera ay mas mapapalakas ang kumpiyansa sa online transactions.

Sinabi ng senadora na bagamat nakatutulong ang chatbox ng BSP, kung saan maaaring magreklamo, kailangan pa rin aniya ng mas maigting na pagtugon mula sa ahensya.

Ipinunto ng mambabatas ang bagong batas na republic act 11521 o ang batas na nag-aamyenda at nagpapatatag ng ating anti-money laundering law.
Sa tulong aniya nito ay matutukoy ng mga regulator ang money trail na makatulong sa maresolba ng ilang kaso ng money laundering.

YOU MIGHT ALSO LIKE