Alegasyong “sex for pass,” pinaimbestigahan sa CIDG at WCPC
By Leo Sarne - May 25, 2020 , 11:40 pm

Inatasan ni PhIlippine National Police (PNP) Chief Police General Archie Francisco Gamboa ang Criminal Investigation and Detection Group o CIDG at Women and Children’s Protection Center o WCPC, na imbestigahan ang napaulat na umano ay “sex for pass” modus ng ilang mga pulis na nagbabantay sa checkpoints.

Utos ni Gamboa, na makipag-ugnayan agad ang mga ito sa Rappler na unang naglabas ng istorya tungkol sa sex worker, na napipilitang makipagtalik sa mga pulis para makadaan sa checkpoint.

Binigyang diin ni Gamboa, na desidido silang makasuhan at maparusahan ang mga ganitong klase ng mga pulis, ngunit kailangan din aniya ang kooperasyon ng mga biktima.

Naiintindihan umano nila ang kalagayan ng mga biktima, na maaaring nahihiya o natatakot ang mga itong lumantad kaya mga babaeng imbestigador mula sa CIDG at WCPC ang pakikilusin para dito.

Payo ng hepe ng pambanang pulisya, kahit na hindi sa CIDG o WCPC makipag-ugnayan ang mga biktima, maaari silang lumapit sa mga pulis na kilala nila at kanilang pinagkakatiwalaan.

Kung hindi aniya makikipagtulungan ang biktima ay hindi rin uusad ang kaso.

YOU MIGHT ALSO LIKE