Bagong panuntunan sa emergency procurement, isinusulong ni Sen. Tolentino
By Nimfa Asuncion - October 14, 2021 , 4:57 pm

Inihain ni Senator Francis Tolentino ang isang panukalang batas, na layong amyendahan ang mga kasalukuyang panuntunan na may kinalaman sa emergency procurement. 

Giit ni Tolentino, kailangan ng maging klaro sa batas ang pagkakaroon ng sapat na pinansyal na kakayahan ng isang supplier o kontratista na kukunin ng pamahalaan, sa tuwing magkakaroon ng emergency procurement gaya ng nangyari ngayong may umiiral na COVID-19 pandemic.  

Sa ilalim ng inihain niyang Senate Bill 2433, layong amyendahan ang ilang probisyon sa Government Procurement Reform Act (Republic Act 9184), lalo na ang may kinalaman sa tinatawag na ‘negotiated procurement’. 

Dito ay oobligahin munang magsumite ang mga kontratista o bidder ng sapat na rekisitos, na magpapatunay na may sapat itong pinansyal na kapasidad na itinatakda ng mga panuntunan ng pamahalaan. 

Ayon sa senator, wala sa kasalukuyang procurement code ang mga panuntunan, na direktang makakatukoy kung ang isang supplier o kontratista ay may sapat na kakayahang tumupad sa pinasok nitong kontrata sa pamahalaan. 

Sinabi pa ng mambabatas, na dapat ay magsilbing aral na sa pamahalaan ang nangyaring emergency procurement nitong kasagsagan ng pandemya, at tukuyin ang mga butas sa ilang panuntunan.  

Matatandaang kasalukuyang nagsasagawa ang Senate Blue Ribbon Committee ng imbestigasyon, tungkol sa akusasyon ng umano ay overpricing sa pagbili ng medical supplies sa kumpanyang Pharmally, sa ilalim ng Bayanihan to Heal as One Act (Republic Act 11469).

YOU MIGHT ALSO LIKE