Bagong quarantine classifications para sa Nov., iaanunsiyo mamayang gabi ni Pangulong Duterte
By Racquel Bayan - October 26, 2020 , 2:56 pm

Inaasahan na ngayong gabi iaanunsyo ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga iiral na community quarantine sa bansa para sa buwan ng November.

Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, bagamat hindi pisikal na makakapunta sa Davao City ang mga cabinet member dahil sa bagyong Quinta, magpapatuloy aniya ang pulong ng Pangulo kasama ang Inter Agency Task Force (IATF), sa pamamagitan ng online plaform.

Sinabi ng kalihim, na alas-10 pa lamang kaninang umaga nang magsimula ang pulong ng IATF, kung saan kabilang aniya sa mga tinalakay ang community quarantine na irerekomenda sa Pangulo.

Matatandaan, na una nang inirekomenda ng Metro Manila Mayors na ipagpatuloy ang general community quarantine (GCQ) sa National Capital Region (NCR) hanggang sa katapusan ng taon.

Kaugnay nito, siniguro naman ng Palasyo na ano man ang maging desisyon ng IATF at ni Pangulong Duterte sa bagay na ito, ay tiyak na nakaayon sa datos at siyensya.

YOU MIGHT ALSO LIKE