“BTS sa Kongreso” ni dating Speaker Cayetano at mga kaalyado nito, nag-trending sa Twitter
By Kathleen Jean Forbes - January 14, 2021 , 8:23 am

Nag-trending sa Twitter ang #CayetanoStopUsingBTS mula sa ARMY o ang tawag sa grupo ng mga fans ng South Korean boy band na ‘BTS’.

Ito’y kasunod ng anunsyo ni dating House Speaker at Taguig-Pateros Rep. Alan Peter Cayetano na tatawaging ‘BTS sa Kongreso’ ang independent majority na kinabibilangan ng kinatawan at solid allies nito.

Hindi aniya nila nais na ma-offend ang mga fans sa paggamit ng ‘BTS’ sa pangalan ng kanilang grupo sa Kamara.

Mamayang tanghali pa dapat ipapaliwanag ni Cayetano sa isang presscon kung paano nabuo ang kanilang pangalan na ang ibig sabihin ay ‘Back to Service” na aniya’y patama sa kasalukuyang house leadership na pinamumunuan ni Speaker Lord Allan Velasco.

Dagdag pa ng kongresista, sa halip kasi na ‘House of the People’ ay naging ‘House of Politics’ na ang Mababang Kapulungan dahil panay katamaran, pulitika at naging panay trapo na ulit ang Kamara.

Kumakatawan din aniya ang grupo sa maraming blocs sa bansa na sumasagisag sa Bayanihan, Tapang, at Serbisyo.

Kasama ni Cayetano sa grupo sina Kasama sa grupo ang “solid allies” ng dating Speaker kabilang sina Camarines Sur Rep. Luis Raymund “LRay” Villafuerte Jr, Laguna Rep. Dan Fernandez, Batangas Rep. Raneo Abu, Anakalusugan Partylist Rep.
Mike Defensor, Bulacan Rep. Jose Antonio Sy-Alvarado, at Capiz Rep. Fredenil Castro.

Mananatili aniya ang suporta ng grupo sa mga legislative agenda ni Pangulong Rodrigo Duterte pero magiging kritikal pagdating naman sa pamamalakad ng kasalukuyang liderato.

YOU MIGHT ALSO LIKE