COVID-19 measures, inaasahang aprubahan ngayong araw
By Kathleen Forbes - May 26, 2020 , 9:28 am

 

Nakatakdang aprubahan ng Defeat COVID-19 Ad Hoc Committee ang ilang panukala na layong tugunan ang epekto ng coronavirus disease (COVID-19) sa bansa.

Sa isang pahayag sinabi ni House Majority Leader Martin Romualdez, na kabilang sa mga aaprubahan sa sa pagdinig mamaya ay ang report ng Committee on Banks sa Financial Institutions Strategic Transfer bill o FIST; report ng Economic Stimulus Response Package Subcommittee sa panukalang Philippine Economic Stimulus Act o PESA; at ulat ng Peace and Order Subcommittee sa Anti-Discrimination bill.

Sa ilalim ng FIST, tutulungan ang mga financial institution mula sa pagkalubog bunsod ng delay sa loan collections ngayong nasa ilalim ng community quarantine, at sa pamamahala rin ng kanilang mga non-performing asset para makalikom ng pondo upang mapanatili ang financial operations.

Ang PESA naman, ay isang ₱568 billion economic stimulus fund, na layon matulungan ang mga maliliit na negosyo mula sa epekto sa ekonomiya ng COVID-19, at mapanatili ang trabaho ng kanilang manggagawa.

Habang ang Anti-Discrimination Bill, ay layon namang protektahan ang mga confirmed, suspected, probable, unrecovered at survivors ng COVID-19 cases, laban sa ano mang uri ng pang-aabuso at diskriminasyon.

Agad ding isasalang sa plenaryo ang naturang mga panukala.

Ayon kay Romuladez, patuloy na aaksyon ang mababang kapulungan para makabuo ng mga batas na sa isang ligtas, adaptive at resilient na Philipinas sa gitna ng pandemya.

Bukod naman sa COVID-19 measures, diringgin din ng Kamara ang 13 House Bills patungkol naman sa pagbibigay ng prangkisa para sa ABS-CBN.

Ala-1 ng hapon mamaya isasagawa ng House Committee on Legislative Franchises ang hearing kung saan inimbitahan si Solicitor General Jose Calida.

YOU MIGHT ALSO LIKE