House Committee on Ways and Means, tuluyan nang ipinasa ang CITIRA Law
By Kathleen Jean Forbes - August 14, 2019 , 4:26 pm

Sa botong 27-2, lusot na sa House Committee on Ways and Means ang Corporate Income Tax and Incentive Reform Act o CITIRA.

Itong CITIRA ay ang bagong pangalan ng Package 2 ng TRAIN LAW.

Matapos ang dalawang magkasunod na araw ng pagdinig, tuluyan na ngang lumusot ang panukala na pababain ang corporate income tax, at magpatupad ng reporma sa ibinibigay na insentibo sa mga korporasyon at kumpanya.

Sina Gabriela Partylist Representative Arlene Brosas at Bayan Muna Partylist Representative Carlos Zarate, ang dalawang mambabatas na tumutol sa pagpapasa nito.

Anila, tulad ng Package 1 ng TRAIN Law, imbes na makatulong sa ordinaryong mamamayan, ay posibleng pahirap lamang ang abutin ng mga maliliit na negosyo o MSMEs sa pagpapatupad ng CITIRA.

Sa ilalim ng CITIRA, layong pababain ng hanggang 20 porsiyento ang kasalukuyang 30 porsiyentong corporate income tax na ipapataw sa mga korporasyon.

Ayon sa dalawang partylist representative, tila hindi patas kung magkatulad ang ipapataw na corporate income tax sa malalaki at maliliit na negosyo, dahil tiyak na dehado ang mga MSME dito.

Depensa naman ng House and Ways Committee Chair Joey Salceda, ganito na ang trend o ipinatutupad na panuntunan sa mga karatig-bansa natin sa South East Asia.

Sa buong rehiyon, tanging ang Pilipinas na lamang ang may pinakamalaking corporate income tax, kaya’t ang mga malalaking kumpanya ay pinipili na lamang ang ibang mga bansa para doon magtayo ng negosyo.

Ayon naman sa Department of Finance (DOF), kung magpapataw ng magkaibang corporate income tax para sa malalaki at maliliit na negosyo, posibleng pag-ugatan ito ng panlalamang ng mga malalaking negosyo na magpapanggap na MSMEs, para maka-menos sa buwis.

Samantala, kanina ay sumaglit si House Speaker Alan Peter Cayetano sa pagdinig ng CITIRA. Dito ay kanyang inihayag na sa Agosto 20, Martes ng susunod na linggo, nakatakdang isumite sa Kamara ang National Expenditure Program o ang 2020 National Budget.

YOU MIGHT ALSO LIKE