!-- Global site tag (gtag.js) - Google Analytics -->
Mambabatas, nanawagan sa IATF na pangalanan ang mga nagpositibo sa COVID-19
By Kathleen Jean Forbes - April 1, 2020 , 5:40 pm

Naniniwala si Davao del Norte Representative Alan Dujali na mas magiging epektibo ang kampanya ng gobyerno laban sa COVID-19 kung papangalanan ang mga taong nagpositibo dito.

Sa isang pahayag sinabi ng mambabatas na siya ay sumulat na sa Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Disease (IATF-EID) at umapela na ipatupad ang Mandatory Reporting of Notifiable Diseases and Health Events of Public Health Concern o RA 11332.

Ayon kay Dujali, kung papangalanan ang COVID-19 positive cases ay mas matatakot itong lumabag sa quarantine rules.

Bukod dito, mas mabibigyan ng impormasyon at pagkakataon ang mga nakahalubilo ng indibidwal na bantayan kung sila ay may sintomas at kusa na ring sumailalim sa self-quarantine.

Pagbibigay-diin pa ni Dujali na hindi ito maituturing na paglabag sa Data Privacy Act dahil may pinahihintulutang exemptions ang batas tulad na lamang kung ang impormasyon ay manggagaling at ia-anunsyo ng Department of Health (DOH).

May ilan na rin naman aniyang mga personalidad na nagpositibo sa sakit ang kusang lumantad upang ipaalam na sila ay positibo sa COVID-19.

“Dissemination of such information to the public by the DOH and its local counterparts is not prohibited, yet actually mandated, so long as they are gathered from the official disease surveillance and response systems that are already built in place,” paliwanag ng kongresista.

YOU MIGHT ALSO LIKE