!-- Global site tag (gtag.js) - Google Analytics -->
Mga suspek sa pananambang kay Masbate town Vice Mayor Yuson, nasa kamay na ng MPD
By Jesson Tamondong - October 9, 2019 , 6:43 pm

Hawak na ng Manila Police District ang apat na suspek na nasa likod ng pananambang at pagpatay kay Batuan, Masbate, Vice Mayor Charlie Yuson III sa Sampaloc, Maynila, kaninang umaga.

Ayon sa Manila Police District (MPD), agad silang naglunsad ng dragnet operation matapos ang pamamaril na nagresulta sa pagpapatigil ng isang silver-gray na Nissan van na may plakang ACM-8804 bago magtanghalian sa bahagi ng Quirino Avenue.

Sinasabing apat ang mga lalaking sakay ng nasabing van. Sa ngayon ay hindi pa tinukoy ni MPD Director Police Brigadier General Vicente Danao Jr. ang pagkakakilanlan ng mga suspek.

Paliwanag ni Danao, kailangan pang makunan ng salaysay ang mga nahuling suspek. Tinitingnan ng pulisya ang mga anggulong pulitika, negosyo at ilang iregularidad sa nangyaring pamamaril.

Batay naman sa pahayag ng isang saksi sa krimen, tatlo sa mga sakay ng van ay may bitbit na high powered firearms.

Matatandaang nag-aalmusal si Yuson at dalawang kasama sa harap ng kanyang paupahan, nang biglang huminto sa tapat ng mga ito ang isang van at bumaba ang mga suspek at pinaputukan ang grupo ni Yuson.

Naisugod pa sa UST hospital si Yuson, pero namatay din ito kalaunan dahil sa siyam na tama ng bala ng baril. Kasalukuyan namang ginagamot ang dalawang kasama nito.

YOU MIGHT ALSO LIKE