Pagpasa ng panukalang bubuo sa Department of Disaster Resilience, muling ipinanawagan
By Nimfa Mae Asuncion - October 27, 2020 , 7:57 am

Kasunod ng pinsalang idinulot ng bagyong Quinta, muling umapela si Senador Christopher ‘Bong’ Go sa kanyang mga kapwa senador na bilisan na ang pagpasa ng panukalang batas na bubuo sa Department of Disaster Resilience.

Giit ni Go, dapat mas maging proactive ang gobyerno, ipasa na ang panukala sa lalong madaling panahon at hindi na dapat hintayin pang muling magkaroon ng sakuna para lang maisakatuparan ito.

Aniya, madalas tamaan ng bagyo, lindol, at iba pang kalamidad ang Pilipinas kaya naman kailangan na ang Department of Disaster Resilience upang mas maging handa, mas maiibsan ang masamang epekto ng kalamidad, at mas mabilis makakabangon ang ating mga kababayan.

Para sa senador, napapanahon na upang magkaroon ng sariling departamento na nakatutok talaga at may secretary-level na indibidwal na siyang magtitimon tuwing may krisis o sakuna.

Sa ngayon ay ilang panukalang batas tungkol dito ang nakabinbin pa rin sa Senate Committee on National Defense, kabilang na dito ang Senate Bill 205 ni Go.

Samantalang ang Kamara ay naipasa na sa third and final reading ang kanilang bersyon nitong nakaraang buwan.

YOU MIGHT ALSO LIKE