Pangulong Duterte, di kabilang sa mabibigyan ng Sinovac COVID-19 vaccine
By Racquel Bayan - February 22, 2021 , 2:48 pm

Hindi kabilang si Pangulong Rodrigo Duterte sa mga mauunang matututrukan ng COVID-19 vaccine ng Chinese pharmaceutical company na Sinovac.

Ito ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, ay dahil una nang inanunsiyo ng Food and Drug Administration (FDA), na hindi inirerekomenda sa mga senior citizen at healthcare workers ang Sinovac COVID vaccines.

Aniya, magpupulong ang Interim National Immunization Technical Advisory Group (INITAG), kaugay sa pagbabago sa mga unang makakatanggap ng COVID-19 vaccines sa bansa.

Pagtitiyak ni Secretary Roque, walang magiging problema sa adjustment sa priority list ng pamahalaan.

Uunahin lamang aniya ang mga nakasunod sa pila, tulad ng uniformed personnel at economic fronliners.

Kabilang dito ang mga magsasaka, mangingisda, mga nasa BPO industry, at iba pang mga manggagawa mula sa mga industriya na hindi ipinasara ng pamahalaan sa gitna ng pandemiya.

Ayon kay Secretary Roque, hawak na ng mga lokal na pamahalaan ang pangalan ng mga ito.

YOU MIGHT ALSO LIKE