Rep. Biazon, pinag-iingat ang publiko sa pagbili online ng alternatibong COVID treatment drugs
By Kathleen Forbes - April 5, 2021 , 6:38 pm

Pinag-iingat ni Muntinlupa Representative Ruffy Biazon, hinggil sa pagbili ng hindi otorisadong COVID-19 alternative treatment drugs.

Sa gitna pa rin ito ng patuloy na panawagan sa Food and Drug and Administration (FDA), na pahintulutan ang paggamit sa ilang repurposed drugs o mga gamot na maaaring gamiting alternatiobong pang-gamot, sa mga may COVID-19 tulad ng Ivermectin.

Paalala ng mambabatas, kailangan tiyakin na rehistrado at aprubado ng kaukulang government regulatory agencies ang bibilhing gamot.

Pinuna ng kinatawan ang biglang pagdami ng nagbebenta sa iba’t ibang online selling platform maging sa social media ng mga gamot para umano sa COVID-19.

Hindi aniya dapat bumili ang publiko sa mga entity, na walang business permit at permit para magbenta ng regulated products.

Dagdag pa nito, na hindi basta-basta dapat bumili ng gamot sa kung saan na lamang, lalo kung hindi ito humihingi ng prescription o reseta mula sa isang doktor.

Bunsod nito, ay kinalampag ni Biazon ang Department of Trade and Industry (DTI), na higpitan ang pagbabantay sa online selling platforms.

Katunayan, noon aniyang February, ay nasabat ang nasa P9 milyong halaga ng smuggled Chinese medicine kasama ang ang Lianhua.

Ayon sa FDA, nakarehistro ang Lianhua bilang traditional Chinese medicine para sa respiratory illnesses, at hindi bilang COVID-19 medication.

Gayunpaman, pinahintulutan ang paggamit nito sa China para sa mild at moderate COVID-19.

YOU MIGHT ALSO LIKE