Sen. Revilla sa FDA: Pag-aralang mabuti ang potensyal ng Ivermectin bilang gamot sa COVID-19
By Nimfa Asuncion - March 31, 2021 , 7:54 pm

Balak ni Senator Ramon ‘Bong’ Revilla Jr., na maghain ng isang resolusyon na maghihikayat sa Food and Drug Administration (FDA), na agad na suriin at tugunan ang aplikasyon para sa pag manufacture ng gamot na Ivermectin.

Ayon kay Revilla, marami siyang nakakausap na mga doktor at pasyente na nagsasabing epektibo ang gamot na ito, para mapabilis ang paggaling ng isang COVID-19 positive patient, bukod pa yan sa hatid aniya nitong proteksiyon na huwag mahawa sa naturang virus.

Sa pamamagitan aniya ng pag-aaral na minumungkahi niya sa FDA, ay masisiguro ang efficacy ng Ivermectin at kung ano ang tamang paraan para ligtas itong magamit.

Giit ng senator, mandato ng FDA, na suriin ang iba’t ibang maaaring tugon at lunas sa COVID-19, at kung totoong may potensyal na makatulong ang Ivermectin laban sa COVID-19, ay tama lang na pag-aralan itong mabuti.

Una na aniyang nagsumite ng aplikasyon ang manufacturer ng Ivermectin sa FDA, nitong February para makakuha ng license to operate, upang kalaunan ay makakuha ng certificate of product registration at maibenta ng legal sa publiko.

Ngunit nitong March, ay naglabas ng babala ang FDA na mapaparusuhan ang sino mang magtutulak ng paggamit ng Ivermectin.

Ang Ivermectin ay isang anti-parasitic na gamot, na may veterinary applications o ginagamit sa mga hayop, ngunit maaari rin umano itong gamitin sa mga tao.

YOU MIGHT ALSO LIKE