Senior Deputy Speaker Leachon, may bwelta sa bagong buong independent majority
By Kathleen Jean Forbes - January 14, 2021 , 9:35 pm

May bwelta si House Senior Deputy Speaker Doy Leachon sa bagong buo na independent majority sa Kamara na pinangungunahan ni dating Speaker at Taguig-Pateros Rep. Alan Peter Cayetano.

Ito’y matapos tawagin ng ‘BTS sa Kongreso’ na tamad at trapo ang kasalukuyang liderato ng Kamara.

Punto ni Leachon, sa unang 3 buwan pa lamang ay mas marami nang naipasang bills sa ilalim ng liderato ni Speaker Lord Allan Velasco kumpara kay Cayetano.

Hindi rin aniya matatawag na pulitika ang pagtalakay sa Charter change dahil committed ang House leadership na tanging ang economic provisions ang aamyendahan kaya nakakuha ito ng suporta mula sa mga lider ng iba’t ibang partido.

Naniniwala si Leachon na ang pakay lamang ng paglulunsad ng BTS ng grupo ng dating Speaker ay para guluhin ang legislative agenda ni Velasco dahil nakuha na nito ang respeto ng mga miyembro.

Nanawagan naman ng ceasefire mula sa bangayan si Deputy Speaker Bernadette Herrera.

Bagamat natural at wala naman aniyang masama sa pagbuo ng bagong samahan o grupo ay hiling nito na sana ay magtulungan na lamang silang lahat lalo na’t nasa “legacy mode” na ang panunungkulan ni Pangulong Duterte.

YOU MIGHT ALSO LIKE