Talisay, Batangas Vice Mayor, pinamamadali ang kaso ng kaniyang kapatid na alkalde sa Ombudsman
By Michael Rogas - January 20, 2021 , 6:46 pm

Bitbit ang 14 na Notice of Disallowances mula sa Commission on Audit, umaapela sa Office of the Ombudsman si Talisay Vice Mayor Charlie Natanauan Sr. na desisyunan na ang patong-patong na kasong katiwalian at administratibo laban sa kanyang kapatid na si Mayor Gerry Natanauan.  

Sinabi ni Vice Mayor Natanauan, siya na mismo ang nagsampa ng patung-patong na kaso laban sa kanyang kapatid na Mayor ng Talisay noong 2019 para sa kapakanan ng kanyang mga kababayan.  

Batay sa complaints affidavit ni Vice Mayor Natanauan, nawawala sa pondo ng bayan ng Talisay ang mahigit P100 milyong sinasabing ginamit daw para sa 22 proyekto.  

Aniya, nagamit sana ito ng mga mahihirap na mga taga-Talisay lalo na sa paglaban sa COVID-19 pandemic.  

Ilan lamang sa nasabing mga proyekto ay ang P140 milyong halaga ng bagong gusali sana ng munisipyo na ilang taon na ring tumigil ang konstruksyon, personal monthly expenses ng alkalde para sa kanyang telepono at gasolina na nagkakahalaga ng P758,000 na pinabayaran sa munisipyo at ang halos P800,000 na athletic uniforms at meals sa ginanap na athletic meet noong 2018 na hindi dumaan sa bidding.  

Wala na umanong dahilan pa para hindi umaksyon dito ang Ombudsman dahil ang COA na mismo ang naglabas ng 14 na notice of disallowances habang ang walong proyekto ay inisyuhan na rin ng notice of suspension.  

Apela ni Vice Mayor Natanauan kay Ombudsman Martirez, patawan na ng suspensyon ang kanyang kapatid na alkalde dahil wala na halos nakukuhang basic services ang mga taga-Talisay, Batangas ngayong  panahon ng pandemya.

YOU MIGHT ALSO LIKE