Albay solon, hiniling na makapag-deploy ng dagdag na bakuna sa Bicol Region
By Kathleen Jean Forbes - October 14, 2021 , 11:29 am

Muling nanawagan si Albay Representative Joey Salceda sa pamahalaan para sa karagdagang suplay ng COVID-19 vaccine sa Bicol.

Aniya, isa ang rehiyon sa may pinakamababang vaccination rate kung saan 10 porsyento pa lamang ng populasyon ng rehiyon ang nababakunahan,

Diin ni Salceda, ang kakulangan sa supaly ng bakuna ay makaka-apekto sa kanilang COVID-19 response.

Inihalimbawa nito ang Vietnam na bagamat isa sa mga may pinakamagandang minimum health standard ay nakararanas ngayon ng surge dahil sa kawalan ng bakuna.

Paglilinaw naman ng kinatawan, mayroong sapat na suplay ng bakuna ang bansa, at kailangan lamang mai-deploy sa mga rehiyon na under-vaccinated.

Tinukoy pa nito na sa National Capital Region (NCR), nagsisimula na ang paghahanda para sa pagbabakuna sa mga menor de edad habang sila sa Bicol ay hindi pa umaabot sa decent level ang nababakunahan sa priority population.

Hulyo pa nanawagan si Salceda sa Inter-Agency Task Force (IATF) na mabigyan ng dagdag na bakuna ang Bicol.

YOU MIGHT ALSO LIKE