IEC para sa COVID-19 vaccination program, mas paiigtingin ng Island Garden City of Samal
By Armando Fenequito | RP1 Davao - February 22, 2021 , 3:18 pm

Mas paiigtingin ngayon ng lokal na pamahalaan ng Island Garden City of Samal (IGACoS), Davao del Norte ang kanilang information and education campaign (IEC) hinggil sa COVID-19 vaccination program ng gobyerno.

Ito’y matapos na malaman ng pamahalaang lungsod na nasa 45 porsyento mula sa kanilang mahigit 120,000 populasyon ang nag-aalinlangan sa pagpapabakuna.

Sa panayam kay IGACoS Mayor Al David Uy, inihayag nito na plano nitong dalhin sa barangay hanggang sa mga purok ang nasabing kampanya para mas maunawaan ng mga tao ang kahalagahan ng pagpapabakuna.

Sinabi ni Uy na nakakabahala ang naturang porsyento ng pag-aalinlangan dahil maaring masayang ang ginawang laban ng gobyerno kontra COVID-19.

Paliwanag ng alkalde, napakahalaga na mabakunahan ang aabot sa 70 porsyento sa kanilang mga residente para makausad na sila sa new normal at muling mabuksan ang kanilang ekonomiya.

Ayon kay Uy, may inilaan ng pondo ang lokal na pamahalaan para pambili ng mga bakuna.

YOU MIGHT ALSO LIKE