Imbakan ng armas ng NPA sa Laguna, ni-raid ng PNP
By Leo Sarne - March 31, 2021 , 8:05 am

Napigilan ng Philippine National Police ang planong paghahasik ng terorismo ng NPA Special Partisan Units (SPARU) sa Metro Manila kasunod ng matagumpay na raid sa kanilang imbakan ng armas sa Laguna.

Ayon kay PNP Chief PGen. Debold Sinas, nadiskubre ng mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang armory ng NPA sa paghahain ng search warrant sa Barangay Market Area, Sta. Rosa, Laguna kahapon.

Target ng search warrant ang isang Maritess Santos David alias Teacher Laly, na umano’y tagapag-ingat ng armas ng SPARU.

Wala ang suspek sa lugar nang isinagawa ang raid, pero narekober ng mga pulis ang apat na mahahabang armas; tatlong Cal .45 Pistols; samut saring bala; at 9 na round ng 40mm grenade.

Nakakuha din ang mga pampasabog na kinabibilangan ng 15 Improvised Anti-personnel mine; isang Improvised Anti-troop carrier mine; tatlong improvised Claymore Mine; isang original na Claymore mine; at isang katutak na subersibong dokumento at propaganda material.

Ayon kay Gen. Sinas, ang pagkakatuklas sa imbakan ng armas ng NPA ay patunay na ginagawang staging area ng mga ito ang Calabarzon para maglunsad ng pag-atake sa Metro Manila.

Photo by PNP-PIO

YOU MIGHT ALSO LIKE