Libreng RT-PCR test sa Davao Airport, pansamantalang sinuspinde
By Maymay Benedicto - January 14, 2021 , 6:01 pm

Pansamantalang sinuspinde ng Davao City Government ang pagbibigay ng libreng RT-PCR test para sa mga air travel passengers, na lalapag sa Davao International Airport simula ngayong araw.

Ayon kay City Tourism Operations Office Head Gene Rose Tecson, ito ay upang matugunan ang local transmission ng COVID-19, dahil sa surge o mabilis na pag-akyat ng bilang ng COVID cases ngayon sa lungsod.

Kaugnay nito, prayoridad na makalabas sa Davao Airport ang mga pasaherong may negative RT-PCR results na kinuha 24-72 oras, bago ang kanilang scheduled flights mula sa lugar na pinanggalingan nito.

Para naman sa mga air passenger na Davao residents na walang RT-PCR test result, requirement ang health declaration form at iba pang dokumento.

Bibigyan sila ng health declaration form, sapagkat kailangan nilang mag check-in sa mga Barangay Health Emergency Response Team, na siyang magmo-monitor sa kanila at masigurong sasailalim sila sa mandatory 14-day home quarantine.

Samantala, para naman sa mga air passenger na non-Davao residents, kailangan silang sunduin ng kanilang mga local government unit upang makalabas sila sa airport.

Magpapatuloy umano ang RT-PCR testing sa airport sa panahong operational na ang Davao City Molecular Laboratory.

YOU MIGHT ALSO LIKE